MANILA, Philippines – Sa kabila ng pugante sa batas, namuhay ng marangya ang magkapatid na sina dating Palawan Governor Joel Reyes at dating Coron, Palawan Mayor Mario Reyes sa loob ng mahigit 3 taon ng mga itong pagtatago sa Phuket, Thailand.
Sa press briefing sa Camp Crame, sinabi ni PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) Director P/Chief Supt. Victor Deona na ang makapatid na Reyes ay tumira sa isang magandang villa sa Rawaii sa katimugan ng Phuket ng nasabing bansa. Lumutang din ang anggulo na kinanlong ng big time drug Lord sa Phuket ang magkapatid na Reyes bagay na iniimbestigahan ng mga awtoridad, ayon pa sa opisyal.
Ang magkapatid na Reyes ay inaresto noong linggo sa pinagtataguan ng mga itong villa kaugnay ng paglabag sa immigration law ng Thailand. Ipinakita ni Deona sa mediamen ang mga larawan na nakunan sa villa na tinitirhan ng mga Reyes sa isang beach resort sa Phuket kung saan ang mga ito nagtago sa batas matapos tumakas sa batas noong 2012.
Samantalang ang magkapatid ay may service vehicle ring ginagamit na isang kulay puting Sports Utility Vehicle na isang Ford Eco Sport brand. Isiniwalat ni Deona na nagkaroon ng malaking ‘breakthrough ‘ at natunton ang pinagtataguan ng Reyes brothers matapos na isang informer ang magpadala ng mensahe sa pamamagitan ng email noong Setyembre 8.
Setyembre 15 naman ng magkaroon naman sila ng komunikasyon sa kanilang informer sa pamamagitan ng telepono na nagtuturo sa pinagtataguan ng magkapatid na Reyes sa Daraway area sa Phuket doon.
Batay rin sa impormasyong ibinigay ng tipster, gumagamit ng pangalang Johnny si Joel habang Nikki naman ang gamit ni Mario kung saan nakatira ang mga ito sa kilalang villa sa Phuket.
Sinabi ni Deona na isinumite nila ang impormasyon sa Interpol Thailand na nagsagawa naman ng beripikasyon nitong Setyembre 18 habang dalawang araw matapos ito ay ikinasa na ng Interpol ng Thailand at Royal Thai Police ang pag-aresto sa dalawa.