MANILA, Philippines – Halos tiyak nang mapapabilang sa senatorial line up ng ruling Liberal Party (LP) si dating Energy Secretary Carlos Jericho “Icot” Petilla.
Mismong si LP standard bearer Mar Roxas ang nagsiwalat na si Petilla ay kabilang na sa hanay ng kanilang senatorial candidates. Ang pagsiwalat ay ginawa ni Roxas sa pagdalaw nito sa Nueva Ecija, kung saan nilinaw ng dating kalihim na hindi gobernador kundi senador ang tatakbuhan ni Petilla.
“Kilalanin po natin ang senador at hindi gobernador ang tinatakbo,” pabirong banggit ni Roxas patungkol kay Petilla.
Tiniyak ni Roxas na kabilang si Petilla sa mga kinukunsiderang magiging miyembro ng kanilang line-up dahil sa karanasan nito sa pamamahala sa larangan ng enerhiya nang pamunuan ang DOE.
“Hindi ko nais pangunahan ang Pangulo at may proseso ang partido sa pagpili ng mga kandidato pero masasabi kong ang pangalan ni secretary Petilla ay isa sa mga korportableng napag-uusapan na maaring makasama sa senatorial ticket ng LP,” diin ni Roxas.
Sa kanyang panig, nagpakita naman ng kahandaan si Petilla at nagpahiwatig na siya’y maghihintay sa magiging pinal na kapasyahan ni Pangulong Aquino sa magiging opisyal na listahan ng senatorial line up ng partido Liberal. Sa mga naunang panayam, inamin ni Petilla na siya’y hinihikayat ng Pangulo na tumakbo at magsilbi bilang senador.