MANILA, Philippines – Pinamamadali ni Valenzuela Rep. Sherwin Gatchalian ang pagsasabatas ng panukala na magtatakda sa mga bibili ng sasakyan na magpakita muna ng katibayan na mayroon silang garahe.
Sa hearing ng House Committee on Transportation, umapela si Gatchalian para suportahan ang kanyang House Bill 5098 o proof of parking space act.
Nakasaad sa panukala na bago bumili ng sasakyan ang isang indibidwal ay dapat muna itong magpakita ng katibayan na mayroon siyang parking.
Layunin umano nito na maiwasan na gawing parking lot ang mga kalsada na isa sa mga dahilan ng matinding traffic sa Metro Manila.
Suportado naman ni PNP Highway Patrol Group Chief Supt Arnold Gunnacao ang panukalang No Garage, No Car Policy.
Giit ni Gunnacao dapat talagang gawing no parking zones ang lahat ng kalsada para magamit ng publiko partikular na ng mga motorista.
Wala pa naman pahayag ang mga car dealers at manufacturers sa bagay na ito subalit inaasahang ipapatawag sila sa mga susunod na pagdinig.