Torres dapat kasuhan! - Chiz
MANILA, Philippines – Dapat sampahan na ng kasong smuggling ng Bureau of Customs (BOC) si dating Land Transportation Office (LTO) chief Virginia Torres dahil sa tangkang pakikipag-negosasyon at paggamit ng impluwensiya para maipalabas ang nasa P100 milyong halaga ng smuggled na asukal mula Thailand.
Ayon kay Sen. Chiz Escudero, dapat magpahatid ng matinding mensahe ang administrasyon na seryoso ito na labanan ang smuggling kahit pa sangkot ang isang dating opisyal ng gobyerno.
Sinabi ni Escudero na hindi dapat matapos lamang sa exposé ang kaso ni Torres at dapat itong sampahan ng smuggling case para patunayang walang pinipili ang hustisya sa pamahalaan.
Mismong ang Malacañang na aniya ang nagpahayag na hindi kukunsintihin ang mga gumagamit ng impluwensiya para magpalusot.
Sinasabing mismong lumutang si Torres sa tanggapan ng Customs Intelligence Group upang arborin umano ang smuggled na asukal.
Tinangka rin umanong kausapin ni Torres si BOC Deputy Commissioner for Intelligence Jessie Dellosa upang ayusin na lamang ang tungkol sa pagkakakumpiska sa mga smuggled na asukal.
Binanggit umano nito ang pangalan ni Pangulong Aquino at sinabing mapupunta sa kampanya ng Liberal Party ang benta ng mga asukal.
Idinagdag ni Escudero na kung masyadong pinagtuunan ng pansin ang mga padala sa bansa ng mga OFW sa pamamagitan ng mga Baikbayan Box, dapat mas maging interesado ang ahensiya sa importasyon ng nasa 64 containers na naglalaman ng smuggled na asukal.
- Latest