MANILA, Philippines - Pormal ng idineklara kahapon ni Sen. Francis “Chiz” Escudero ang kanyang pagtakbo bilang bise presidente sa 2016.
Sa okasyon na ginanap sa Club Filipino sa San Juan, tinanggap ni Escudero ang alok sa kanya ni Sen. Grace Poe na maging running mate na nauna nang naghayag ng kanyang kandidatura sa UP Bahay ng Alumni nitong Miyerkules ng gabi.
Sinabi ni Escudero na naniniwala siya na lahat ng Pilipino ay may karapatan na ialay ang kanyang sarili para manilbihan sa bayan.
“Tinatanggap ko ng may buong tapang at pagpapakumbaba ang hamon ni Senator Grace na maging katuwang niya sa landas na kanyang tatahakin bilang kanyang ikalawang pangulo,” pahayag ni Escudero.
Tiwala umano ang senador sa katangian at kakayahan ni Poe.
Mismong si Poe ang nagpakilala kay Escudero sa ginawang pagtitipon ng kanilang mga supporters sa Kalayaan Hall ng Club Filipino.
Sinabi ni Poe sa kanyang talumpati na komportable siyang tumakbo kasama si Escudero na naging tagapagsalita ng kanyang amang si Fernando Poe Jr. ng kumandidato itong presidente ng bansa.
Inilahad din nito ang mga layunin ng tambalang Grace-Chiz na tinawag niyang “gobyernong may puso.”
Ipinangako rin ni Escudero na “walang maiiwan at walang iiwanan.”
Nangako si Escudero na kung mahahalal sila ni Poe ay itataas nila ang pamantayan ng serbisyo publiko at tatanggalin ang mga tao sa gobyerno na hindi nagbibigay ng tama at mabilis na serbisyo.
Nagpahayag din si Escudero ng pagsuporta sa pagpasa ng Freedom of Information Bill at paggamit ng bakal na kamay sa mga tiwali.
Sa kabila ng pag-anunsyo ng kandidatura, nananatili pa ring independent candidates si Poe at Escudero.
“Pilipinas po ang partido namin ni Senator Poe at ang mga Pilipino ang aming itinuturing na mga kapartido.”
Dumalo sa okasyon ang pamilya ni Escudero sa pangunguna ng kanyang ina na si Rep. Evelyn Escudero at asawang si Heart Evangelista at ina ng aktres na si Cecille Ongpauco.