MANILA, Philippines – Muling umapela sa motorista si Manila Vice Mayor Isko Moreno na sundin lamang ang mga traffic sign at regulations upang hindi na makadagdag pa sa pagsisikip ng daloy ng trapiko.
Ang panawagan ni Moreno ay bunsod na rin ng patuloy na paglabag ng ilang motorista sa kabila ng malalaking traffic signs.
Aniya, nagbubulag-bulagan na lamang ang mga motorista sa kanilang mga pinaiiral na batas.
Nakalulungkot lamang na sa kabila ng pagpapatupad ng batas, ang mga tauhan pa ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) at Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU) ang narereklamo.
Mas dapat umanong alamin ng mga pribadong indibiduwal at motorista ang kanilang responsibilidad sa lipunan tungo sa pagbabago at pag-angat ng Maynila.
Paliwanag ni Moreno, matagal na nasanay ang mga motorista sa maluwag na sistema ng lungsod kaya’t mahirap sa mga ito na sundin ang tamang regulasyon at batas.
Nanawagan din si Moreno sa mga vendors na huwag sakupin ang daanan ng mga sasakyan upang hindi na makadagdag pa ng pagsisikip sa daanan ng mga sasakyan.