MANILA, Philippines - Pormal nang naupo bilang bagong kalihim ng Department of Interior and Local Government (DILG) si Rep. Mel Senen Sarmiento kapalit ni Mar Roxas.
Ang seremonya ng pagpapalit ng liderato ay ginawa kahapon sa tanggapan ng Napolcom Building na may tanggapan sa Edsa, Quezon Avenue sa lungsod.
Kabilang sa mga sumaksi sa naturang seremonya si House Speaker Sonny Belmonte, Philippine National Police (PNP) Chief P/Director Gen. Ricardo Marquez, Bureau of Fire Protection C/Supt. Ariel Barayuga, mga opisyales ng DILG at mga Local Government Units.
Bago ang turn-over ceremony, pinasalamatan ni Roxas ang lahat ng mga opisyales na sakop ng ahensya dahil sa pakikiisa ng mga ito para maitaguyod ng maayos ang pamamahala sa DILG.
Pinasalamantan din nito si Sarmiento sa pagtanggap ng maluwag bilang kapalit niya sa DILG at naniniwalang hihigitan pa nito ang mga nagawa ng ahensya sa mga pamamalakad at proyekto.
Sabi naman ni Belmonte, nagagalak ang buong Kamara dahil ang magiging lider ng DILG ay si Sarmiento at magiging hamon anya ito para sa kanyang sarili na gawin ang kanyang makakaya para lalong maging maganda ang pamamalakad dito.
Nangako naman si Sarmiento na tutugunan ang lahat ng mga programang naiwan ni Roxas lalo na ang mga proyektong nakalaan para sa mga mahihirap na mamamayan na matagal nang tinutulungan ng ahensya na malagay sa maayos na buhay.