Fake P500 na may mukha ni Mar Roxas kumalat
MANILA, Philippines - Nagkalat sa Kamara ang mga sobreng naglalaman ng pekeng pera na umano’y mula sa kampo ni dating DILG Secretary Mar Roxas na ipinamimigay sa mga reporter.
Nabigla na lamang ang ilang miyembro ng media ng madatnan nila sa kanilang mga lamesa ang sobre na may lamang pekeng tatlong tig-500 pesos at may mukha ni Roxas.
Sa likod ng pekeng pera ay nakalagay ang salitang “SALAPI PA MORE!!! Ibulsa ang pera, Iboto ang kursonada”.
Base sa mga staff ng Public Relations Information Bureau (PRIB) na nakatanggap ng mga sobre, iniabot lamang ito mula sa post office ng Kamara at wala pang ideya kung sino ang nagpakalat nito.
Itinanggi naman ni Roxas na galing sa kanya ang mga pekeng pera.
Ayon kay Roxas, wala siyang alam sa kumakalat na pera at kung ito ay peke dapat ipadala ito sa pulis at sa NBI, para makita kung sino ang nag-counterfeit nito.
Tiniyak ng kalihim na hindi ito makakaapekto sa kanyang candidacy dahil obvious anya na pakawala ito ng kanyang mga kalaban.
Itinanggi rin ng Malacañang na may kinalaman ito sa sinasabing pagkalat ng fake money na mayroong mukha ni Roxas.
Sinabi ni Communications Sec. Sonny Coloma na posibleng mula ito sa ibang kampo upang masira ang imahe ni Roxas na siyang sinusuportahan ni Pangulong Aquino sa 2016.
- Latest