1,548 pang pulis idedeploy sa Metro Manila

MANILA, Philippines – Nasa 1,548 pang mga pulis ang nakatakdang ideploy ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa mga matataong lugar sa Metro Manila upang mapalakas pa  ang kampanya kontra kriminalidad.

Ayon kay Chief Ins­pector Kimberly Molitas, Spokesperson ng NCRPO, kabilang sa mga ipakakalat ay 314 mga bagitong pulis at 1,234 police officers mula sa PNP Academy.

Una nang inihayag ni NCRPO Director Chief Supt. Joel Pagdilao na 70 % ng mga pulis ang kabuuang ipakakalat sa mga matataong lugar na dinaragsa ng mga tao sa Metro Manila kaugnay ng pagpasok ng ‘ber months’ kung saan kinakailangan ang mas pinalakas na ‘police vi­sibility’ .

Sa tala ng PNP , karaniwan ng tumataas ang kriminalidad sa tuwing sasapit ang ‘ber months ‘ kaugnay ng pagdiriwang ng kapaskuhan.

Nabatid na ang nasabing 314 PO1’s na nakatalaga sa mga trabahong administratibo sa Regional Headquarters  at nasa 123 pang mga opisyal ay mula naman sa PNPA Class 2015  ang ipakakalat sa iba’t-ibang mga distrito ng pulisya.

Kabilang naman sa mahigpit na babantayan ay ang mga panguna­hing lansangan, mga pangunahing pinansyal na distrito, matataong lugar sa Metro Manila tulad ng MRT, LRT stations, bus terminals, shopping malls at iba pa.

Inihayag naman ni Pagdilao  na determinado ang NCRPO na mapababa ang kriminalidad partikular na ngayong ‘ber months’ sa pamamagitan din ng pagpapaigting pa ng ‘Oplan Lambat Sibat’.

Show comments