PNP kailangan ng 6-libong rookie cops
MANILA, Philippines – Nangangailangan ang Philippine National Police (PNP) ng 6, 617 mga bagong pulis para mapunan ang recruitment quota sa taong ito.
Ayon kay PNP Spokesman Chief Supt. Wilben Mayor, 10,000 ang recruitment quota nila sa taong ito para sa mga bagitong pulis pero sa kasalukuyan ay nasa 5,879 pa lamang ang nare-recruit sa iba’t ibang himpilan ng PNP sa buong bansa.
“We need an additional 6,617 new cops, maganda na po ang suweldo ng mga pulis, kung sino man po ang nais maglingkod sa bayan, mag-apply kayo sa PNP,” ani Mayor sa paghikayat sa mga nais na mag-pulis.
Sa National Capital Region Police Office (NCRPO) pa lamang na kailangang-kailangan ang police visibility sa mga matataong lugar ay nangangailangan pa ng 1,570 mga bagitong pulis.
Sa kasalukuyan, nasa 150,000 ang kabuuang puwersa ng PNP sa buong bansa pero kada taon ay nababawasan ito dahil sa pagreretiro sa serbisyo, pagbubuwis ng buhay on duty, pagkamatay sa sakit, pagkakatanggal sa rooster ng PNP dahil sa katiwalian at iba pa.
Kada taon ay may recruitment quota ang PNP lalo na ngayon na kailangang mapalakas ang kampanya kontra kriminalidad.
Sa ngayon ay nasa 1:1,000 o isang pulis sa isang libong katao ang ratio ng PNP kaya kailangan ng mga karagdagang rookie cops para magpatrulya sa mga lansangan at bigyang proteksyon ang mamamayan.
- Latest