Sa reklamo ng mga Veloso: Consul general sa Indonesia hiling sa DFA na i-recall
MANILA, Philippines – Dahilan sa reklamo ng pamilya ni Mary Jane Velaso kaya ipinapa-recall ng House Committee on Overseas Filipino Workers Affairs sa Department of Foreign Affairs ang consul general ng Pilipinas sa Jakarta, Indonesia.
Sa pagdinig ng komite, nag-mosyon si Gabriela partylist Rep. Luz Ilagan para i-recall si Roberto Manalo sa naturang bansa dahil sa reklamo ng pamilya at abogado ni Veloso.
Inaprubahan naman ng komite ang mosyon ni Ilagan kaya susulat ang komite sa DFA para alisin si Manalo sa Jakarta bukod pa sa ito ay inirekomenda rin ni OFW family partylist Rep. Roy Señeres na sampahan ito ng kasong administratibo.
Personal at harapan namang humingi ng paumanhin si Manalo sa pamilya Veloso at sinabing saksi ang Diyos na ginawa nito ang lahat para matulungan si Mary Jane na nasentensiyahang mabitay sa Indonesia dahil sa pagpupuslit ng droga. Ipinagpaliban ang pagbitay dahil sa apela ni Pangulong Benigno Aquino sa pangulo ng naturang bansa.
Naiyak naman sa gitna ng pagdinig si Ginang Celia Veloso sa paglalabas ng sama ng loob kay Manalo dahil ito umano ang lumalason sa isipan ng kanyang anak sa pamamagitan ng pagsusubo rito ng mga kasinungalingan.
Iginiit naman ng abogado ng pamilya Veloso na si Atty. Edre Olalia na bukod sa kapabayaan ng mga taga DFA ay sinisiraan din sila ng patalikod ni Manalo.
- Latest