MANILA, Philippines – Inamin kahapon ng National Telecommunications Commission na tali ang kanilang mga kamay sa usapin ng SIM card registration. Sa pagdinig ng Senate Committee on Public Services, inihayag ni NTC Director Edgardo Cabarrios na noong taong 2000 pa sila nagpalabas ng memo sa mga telecommunications companies para sa pagpapa-rehistro ng mga sim cards pero pinigil sila ng korte. Sa pagtatanong ni Senator Cynthia Villar, chairman ng Senate sub committee on public services kung ano pa ang puwedeng maging solusyon ng NTC kaugnay sa sim cards na nagagamit sa paggawa ng krimen o panloloko, sinabi ng NTC na nagpapalabas sila ng mga babala sa pahayagan at radyo hinggil sa text scams. Pero ayon kay Villar, dapat ay sa telebisyon nagpapalabas ng babala ang NTC upang mas marami ang mabigyan ng babala.