Trillanes, Bondal see you in court - Binay

Antonio Trillanes IV at Vice President Jejomar Binay. Philstar.com/File

MANILA, Philippines – Hinamon kahapon ng kampo ni Vice President Jejomar Binay sina Antonio Trillanes IV at Atty. Renato Bondal na harapin na lamang siya sa korte.

Kasunod ito sa panibagong plunder at malversation case na isinampa kahapon ni Bondal sa Ombudsman laban sa mag-amang Binay kaugnay ng University of Makati College of Nursing.

Sinabi ni Joey Salgado, hepe ng Office of the Vice President, ang nasabing kaso ay “replay” lamang sa lumang powerpoint presentation ni Bondal sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon sub-committee at napatunayan na walang basehan at hula-hula lang.

Nilinaw din ni Salgado na ang joint venture na lumilikha sa UMak College of Nursing sa pamamagitan ng serye ng mga ordinansang inaprubahan ng City Council noong si Vice President Binay pa ang alkalde ng Makati habang si dating Vice Mayor Ernesto Mercado ang namumuno sa konseho.

“Bakit isinama si Mayor Junjun Binay sa kaso ga­yong hindi pa siya ang alkalde nang panahong isinagawa ang proyekto? At bakit hindi isinama sa kaso si Mercado gayong siya ang gumabay sa mga City Ordinance na iyon?” pahayag ni Salgado.

Orihinal na kasosyo anya ang Bise Presidente at iba pang opisyal ng pamahalaang lunsod dahil kinakatawan nila ang equity holding ng lunsod at hindi sa personal nilang kapasidad. “Wala silang kinita dito sa joint venture. Ang lahat ng income ay napunta sa city government,” paglilinaw niya.

Ang mataas na matrikula sa College of Nursing ay ipinapataw lang sa mga hindi residente ng Makati. Walang binabayaran dito ang mga residente ng lunsod.

“Ibinibintang nila na mga dummies ang mga pribadong taong sangkot sa joint venture. Pero hanggang ngayon ay wala silang maipakitang pruweba rito dahil nga kasinungalingan lang ang pinagsasabi nila. “Binigyan ng lisensya sina Mr. Bondal na sirain ang pangalan at reputasyon ng mga tao,” puna pa ni Salgado.

Idinagdag ni Salgado na, taliwas sa akusasyon ni Bondal, ang joint venture ay kumita ng P42 milyong dividend at P70 milyon sa rental, utilities at general education faculty fees. Nagbigay din ito ng trabaho sa mga residente ng Makati.

Idiniin ni Salgado na handa ang kampo ni Binay na sagutin ang mga bagong alegasyon.  “Kung patas at parehas lamang ang Ombudsman, agad na mababasura ang mga reklamong ito,” dagdag niya.

Giit pa ng kampo ni Binay, magkita na lamang sa korte at harapin ang P200 milyon damage suit na isinampa niya laban sa dalawa (Trillanes, Bondal) kasama ang mga umano’y naninira ng kanyang reputasyon.

Show comments