MANILA, Philippines – Maging sina Vice President Jejomar Binay, Davao City Mayor Rodrigo Duterte at DILG Sec. Mar Roxas ay kakaliskisan na rin ng Nationalist Peoples Coalition (NPC) bago tuluyang magdesisyon kung sino ang susuportahan sa 2016 Presidential Elections.
Ayon kay NPC spokesman at Quezon Rep. Mark Enverga, ngayong araw ay matatapos ang imbitasyon nila para kay Binay, Duterte at Roxas.
Matatandaan na anim na beses na ipinatawag ng NPC si Sen. Grace Poe samantalang si Roxas naman ay isang beses pa lamang.
Paliwanag ni Enverga, nauunawaan naman umano nila na mabigat ang schedule ng mga presidentiables kaya ipinapaubaya na lamang nila sa mga ito kung kailan sila magtatakda ng oras at araw para humarap sa NPC.
Ayon pa sa Kongresista, nais ng kanilang partido na makinig sa plataporma at programa ng bawat kandidato upang magkaroon sila ng batayan kung sino ang susuportahan ng kanilang partido sa darating na eleksyon.
Ang NPC ay itinuturing na isa sa influential political parties sa bansa na binubuo ng dalawang senador, 40 congressmen, 14 governors at 22 city mayors.
Nilinaw naman ni Enverga na bagamat narinig na nila ang plataporma at programa ni Poe kahit hindi pa ito nagdedeklara ay naniniwala pa rin ang kanilang partido na ito na ang tamang oras para marinig na rin nila ang iba pang presidentiables bago magkaroon ng pinal na desisyon kung sino ang kanilang susuportahan.