MANILA, Philippines – Walang timbang ang ginawang pagmamando ng trapiko ni Metro Manila Development Authority (MMDA) Chair Francis Tolentino sa lalo pang lumalalang sitwasyon sa trapiko sa Kamaynilaan.
Sinabi ng isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na isang pakitang-tao lamang ito at mistulang pamumulitika ang paglabas sa kalye ni Tolentino na umaktong traffic enforcer dahil matunog naman ang balita na sasabak ito sa 2016 national election, ani Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, chairman ng CBCP- Permanent Commission on Public Affairs.
Ang dapat umanong gawin ni Tolentino ay umisip ng mabisang paraan o long term solution sa mabigat na problema ng trapiko. Isang ‘plataporma’ ng MMDA at hindi ‘porma’.
“Hindi naman sa binabatikos, ang atin lang ano ba talaga ang kanyang long–term solution sa traffic sa Kamaynilaan. Dahil lumalala na ang traffic sa Kamaynilaan sana mayroon siyang long–term solution. ‘Yung pagta–trapik–trapik pakitang tao lang ‘yan hindi naman masu–sustain yan. Pagpapakitang tao lang ‘yan at hindi ‘yan sustainable. Ang traffic dito ay hindi lang pantawag-pansin kundi ang sustainable na plano na mabawasan ‘yung traffic,” ani Pabillo sa panayam ng church-run Radyo Veritas.
Kinakailangan rin aniya na malaman ng publiko ang mga plataporma ng MMDA at hindi lamang porma upang maibsan ang problema sa trapik.
“May kailangan gawin sa pamamalakad sa ating traffic. Ano ba talaga ang plano ng MMDA. Ilagay niya, ilahad niya, isulat niya at ihain niya sa mga tao para mabawasan yung traffic. Ang pananaw ko talagang malala ang traffic at ang MMDA na siyang nakalagay, siya ang magsosolusyon,” ani pa ni Pabillo.