MANILA, Philippines – Dapat munang ipaliwanag ni Senador Antonio Trillanes IV ang kanyang Satement of Assets, Liabilities and Networth bago magreklamo.
Ito ang hamon kay Trillanes ng kampo ni Vice President Jejomar Binay sa pamamagitan ng kanyang spokesperson for political affairs na si Atty. Rico Quicho.
Ginawa nila ang hamon makaraang matuklasan ang kahina-hinalang P600,000 assistance ng mga kamag-anak ni Trillanes batay sa kanyang SALN noong 2013 at 2014.
“Nakita namin yung SALN ni Senator Trillanes at may nakalagay doon na P600,000 assistance from relatives. Bakit pa sya tumatanggap ng assistance from relatives? Sino ba itong relatives na ito?” tanong ni Quicho nang magsalita sa Kapihan Forum sa Anabel’s Restaurant sa Quezon City kahapon.
Sinabi pa niya na ang pagbibigay ng ganoong halaga sa isang kamag-anak ay ikinokonsiderang donasyon. Kapag mahigit na sa P500,000 ang donasyon, kailangan itong patawan ng donor’s tax.
“Nagbabayad ba sila ng donor’s tax? Bakit pa kailangang bigyan ng P600,000 si Senator Trllanes? Kulang pa ba sa kanya ang kinikita niya bilang senador?” tanong pa ni Quicho.
Bukod anya sa isyu ng mahigit 60 consultant ni Trillanes, dapat ding ipaliwanag ng senador ang SALN nito.
“Panahon ngayon ng mga survey. Kailangan kang mag-ingay para mapansin ka sa survey. Kailangan nina Trillanes at Senator Alan Peter Cayetano na mag-ingay para mapansin,” dagdag ni Quicho.
Problema lang, ayon pa sa tagapagsalita ni Binay, napakababa pa rin ng popularity rating nina Trillanes at Cayetano sa kabila ng pagsisikap nilang maibagsak ang bise presidente.
“Ibang ingay ang gustong marinig ng tao ngayon. Gusto nila marinig ang plataporma at ang mga action na gagawin nila para sa bansa. Ayaw na nila ng siraan at bangayan,” paliwanag pa ni Quicho.
Sa survey ng Social Weather Station noong Hunyo 2015 para sa bise presidente, no. 7 si Trillanes habang no. 3 si Cayetano.