MANILA, Philippines - Kumilos na ang mga lokal na pamahalaan ng Mindoro-Marinduque-Romblon-Palawan (MIMAROPA) Region upang palakasin ang kampanya laban sa mga nakamamatay na sakit tulad ng early mortality ng mga ina at bata at maging Acquired Immune Deficiency Syndrome (AIDS) na hanggang ngayon ay wala pang kongkretong lunas.
Nagpulong sa Puerto Princesa, Palawan ang mga public health workers sa rehiyon upang pagsama-samahin ang mga ideya upang limitahan ang panganib na dulot ng mga nabanggit na karamdaman.
Si dating Energy secretary Carlos Jericho Petilla na panauhing pandangal ay nagpaliwanag sa maaaring gawin ng mga health workers sa pagsugpo ng nabanggit na problema. Naging epektibo kasi ang programang pangkalusugan ni Petilla noong termino niya bilang gobernador sa lalawigan ng Leyte.
Bago ang bagyong Yolanda, hindi problema sa Leyte ang mga mabibigat na karamdaman dahil sa sistemang pangkalusugan na sinimulan ni Petilla.
Bukod sa AIDS, pinag-usapan din ng mga health workers sa pagpupulong ang kanilang kaalaman at kasanayan sa pangangasiwa sa mga buntis at sanggol at ang mataas na antas ng pagkamatay ng mga batang edad 5 anyos pababa.
Ang mga ideyang ito ay sinasabing agad na ipatutupad ng mga LGUs na nagpadala ng kinatawan sa naturang pagtitipon.