MANILA, Philippines – Babawasan ang budget ng 59 State Universities and Colleges (SUCs) sa susunod na taon habang 40 iba pa ang makakatikim naman ng kaltas sa kanilang capital outlay at maintenance and other operating expenses (MOOE).
Ayon kay Kabataan partylist Rep. Terry Ridon, bagama’t P43.8 bilyon ang pondo ng Commission on Higher Education (CHED)para sa 2016 na mas mataas kumpara sa P42.3 bilyong pondo ngayong taon, subalit nang kanila umanong sumahin, ang kaltas sa MOOE ng 59 SUCs ay aabot sa P447.8 milyon samantalang P4.8 bilyon naman ang magiging bawas sa capital outlay ng 40 SUCs sa 2016.
Sa budget hearing ng CHED, nabatid na kabilang sa babawasan ng budget ang University of the Philippines, sa kabila ng problema nito sa dormitoryo at classrooms.
Sa 40 SUCs na mababawasan ang Capital outlay, ang UP System ang makakaranas ng pinakamalaking kaltas sa halagang P2.2 bilyon.
Ang pinakalamalaking kaltas sa MOOE ay ang Tawi-tawi College of Technology and Ocenography, Mindanao State University at Iloilo State College of Fisheries.
Habang sa Western Visayas ay walong SUCs ang nakaltasan ng MOOE sumunod ang Eastern Visayan na pitong SUCs.
Tatlong SUCs naman ang wala talagang alokasyon ng capital outlay kabilang dito ang Marikina Polytechnic College, Cagayan State University at Bulacan State University.
Idinagdag pa ng kongresista na ang mga kaltas na ito sa pondo ng SUCs ay nagdudulot na ng pagkaalarma sa mga opisyal ng mga paaralang ito at humhingi na ng saklolo sa kanilang mga mambabatas.