MANILA, Philippines – Nagpalabas kahapon ng panibagong arrest orders ang Senado laban sa mga resource persons na pinagpapaliwanag kaugnay sa imbestigasyon tungkol sa mga anomalya sa Makati City pero hindi sumisipot sa pagdinig.
Ayon kay Senator Aquilino “Koko” Pimentel, tagapangulo ng Senate Blue Ribbon sub-committee, kung hindi magkakasya sa detention center ng Senado ang mga ipinapaaresto ay dadalhin ang mga ito sa Pasay City Jail.
Kabilang sa mga ipinapaaresto sina Dr. Jack Arroyo, pamangkin ni dating Senador Joker Arroyo at sinasabing dummy sa nursing school ng University of Makati, Lauriano Gregorio na umano’y may-ari ng Hacienda Binay sa Batangas at Margaret Licknok na asawa naman ni Gerry Limlingan na sinasabing bagman ni Vice President Jejomar Binay. Ipinapaaresto rin sina Erlinda Chong, Irene Chong, Kim Tun Chong at Irish Chong na mga umano’y dummy sa mga cake supply sa Makati, mag asawang James at Lorriane Tiu na mga campaign donor umano ni Binay.
Nakatakdang ipagpatuloy ngayon ng komite ang pagdinig tungkol sa mga anomalyang kinakasangkutan umano ng mga Binay.