MANILA, Philippines – Isinailalim na kahapon sa state of calamity ang Ilocos Norte dahil sa matinding pinsalang tinamo sa pananalasa ng bagyong Ineng na tumama sa Northern Luzon.
Base sa ulat ng Office of Civil Defense, ang pagsasailalim sa state of calamity sa Ilocos Norte ay bunga ng special session kahapon ng tanghali ng provincial board na pinamunuan ni Ilocos Norte Vice Governor Angelo Marcos Barba.
Sa tala ng pamahalaang Ilocos Norte, umaabot sa 9,402 pamilya (40,998-katao) mula sa 136 barangay ang naapektuhan ng bagyo partikular na ang malawakang pagbaha.
Umaabot naman sa 8,422 kabahayan ang lubog pa rin sa tubig-baha kung saan 903 bahay ay hindi pa mapuntahan habang nasa 700-katao ang nasa evacuation centers.
Sa inisyal na ulat ay nasa P8 milyong halaga ang naging pinsala ng bagyo sa sektor ng agrikultura at pangisdaan na inaasahang tataas pa habang patuloy ang pangangalap ng ulat sa mga apektadong bayan.
Nabatid na bunga ng malakas na pagbuhos ng ulan at pagbaha ay sinuspinde na ni Gov. Imee Marcos ang klase sa lahat ng antas hanggang Lunes.
Umabot naman sa P140,000 halaga ng mga relief goods ang naipalabas at naipamahagi ng lokal na pamahalaan sa mga evacuation sites.
Kabilang ang Ilocos Norte sa dumanas ng matinding hagupit ng bagyong Ineng kung saan nakataas ang Public Storm warning signal number 2 at sa Batanes Group of Islands.
Sa kasalukuyan, patuloy na binabayo ng bagyong Ineng ang Ilocos Norte at iba pang lugar sa Northern Luzon.
Ang nasabing bagyo ay inaasahang lalabas na sa Philippine Area of Responsibility sa Lunes.