MANILA, Philippines – Posibleng susunod na lalaya si dating Pangulo at Pampanga Congresswoman Gloria Macapagal-Arroyo na kasalukuyang nakapiit sa Veterans Memorial Medical Center dahil sa kinakaharap niyang kasong plunder.
Ito ang ipinahiwatig ni Department of Justice Secretary Leila de Lima kasabay ng pagpapahayag ng pangamba na maging precedent o gayahin sa ibang mga kaso ang paglaya ni Senador Juan Ponce Enrile sa bisa ng piyansa na pinagtibay ng Supreme Court kamakailan.
Sinabi ni De Lima sa isang panayam kamakalawa na posibleng maaprubahan din ang hiling ni Arroyo na pansamantalang makalaya.
Matatandaang nakabimbin sa Korte Suprema ang petisyon ni Arroyo na kumukwestiyon sa ginawang pagbasura ng Sandiganbayan sa kanyang hiling na makapagpyansa para sa kasong plunder na nag-ugat sa maanomalyang paggamit sa P366M intelligence fund ng Philippine Charity Sweepstakes Office mula 2008 hanggang 2010.
Si Ginang Arroyo, 68 taong gulang, ay naka-hospital arrest sa Veterans Memorial Medical Center dahil sa malalang sakit.
Ani De Lima, hindi siya tiyak kung maaaring gamitin sa dating Pangulo ang kanyang edad bilang batayan sa paggagawad ng piyansa ngunit inamin din niya na hindi malayong maging konsiderasyon ang kanyang kalusugan.
Sakali aniyang pagbigyan ng Korte Suprema ang hiling ng dating Pangulo, ito ay magiging “unprecedented” o mahalagang desisyon na hindi pa naigagawad sa kaparehong mga kaso ng hukuman.
Kapag nagkataon, magiging mapanganib aniya, ang ipapalabas na desisyon dahil hindi malayong bahain ang Korte Suprema ng mga petisyon para makapagpiyansa na ang batayan din ay kalusugan.
Sa ilalim aniya ng batas, ang tanging rekisito lamang sa paggagawad ng piyansa para sa mga non-bailable na paglabag ay kung mahina ang mga ebidensya.