MANILA, Philippines - Pinabulaanan kahapon ng isang opisyal ng Makati City Social Welfare Department (MSWD) na may mga “ghost” senior citizens sa lungsod taliwas sa iprinisinta sa Senate sub-committee hearing ng isang bagong city official na itinalaga ni acting Mayor Romulo Peña.
Ayon kay Ryan Barcelo, head ng MSWD, ang alegasyon ni Arthur Cruto, officer-in-charge ng Makati Action Cnter (MAC) na mahigit 45 porsyento ng kabuuang bilang ng mga senior citizens na nakatala sa Blu Card Program ng MSWD ay “ghosts” o mga peke ay base sa kwestiyunableng “audit”.
Sinabi ni Barcelo na sa pagsasagawa ng sinasabi nilang “audit”, simpleng nagtungo lamang ang staff ni Cruto sa bahay ng isang senior citizen at tinanong kung nandoon ang hinahanap at nang makitang wala, nilagyan agad ng “X” sa pangalan nito mula sa listahan ng mga senior citizens.
“Magkaiba ho ang umalis ng bahay sa namatay. Hindi po nila ito inalam,” ani Barcelo.
Binigyang-diin ni Barcelo na kailangang magkaroon ng “collateral interview” kung saan aalamin sa kaanak o kapitbahay kung nasaan ang senior citizen bago ikonsidera na ito ay “multo”.
“Kwestyonable ang proseso ng kuno ‘audit’ na ginawa ng grupo ni Cruto. Hindi malinaw kung paano nila itinanong kung nasaan ang mga senior citizen. Hindi malinaw kung gumawa sila ng ‘collateral interview’ sa mga kamag-anak at kapitbahay ng senior citizen. Hindi din malinaw kung anong “validation process’ ang ginawa nila para talagang walang duda na masasabi na wala na ang senior citizen sa Makati address nito,” dagdag ni Barcelo.
Sinabi ni Barcelo na hindi rin nagpakita si Cruto ng documentary evidence upang patunayan ang paratang na 45% ng senior citizens ng Makati ay mga “ghosts”.
Iginiit ni Barcelo na mahigpit nilang ipinatutupad ang mga panuntunan sa MSWD para sa pagkuwalipika ng isang senior citizen kung saan dumadaan lahat ang mga aplikante sa proseso kabilang na ang paglipat ng kanilang tirahan o kung ang senior ay nasawi na.
“Para sa kaalaman ng lahat, ang MSWD ay sumusunod sa isang mahigpit at maingat na proseso ng pag-validate sa mga ulat na natatanggap nito kagaya ng paglipat ng tirahan sa labas ng Makati ng senior citizen o ang pagkamatay nito bago alisin ang pangalan niya sa listahan ng Blu Card Program beneficiaries,” dagdag pahayag ni Barcelo.
Niliwanag pa na tila hindi naiintindihan ni Cruto ang panuntunan na nakasaad sa Blu Card program kung saan ang residente na nagkaka-edad ng 80 pataas ay hindi na kailangan pang magprisinta ng kanilang voter’s ID. Sila ay pinasusumite ng kanilang senior citizens’ white card, Makati yellow card, or anumang balidong ID na may address sa Makati.
“Sa kahulihulihan, natural lang na mayroong senior citizen na nasa listahan ng Blu Card Program na wala na ang pangalan sa Voter’s List ng Comelec. Ibig sabihin nito ay kwestyonable nga ang proseso ng ‘audit’ na ginawa nina Cruto,” dagdag ni Barcelo.
Sa cash gift, nilinaw rin na nasa patakaran ng pamimigay ng Cash Gift na ang mga namayapa nang mga senior citizen ay hindi na kwalipikado na tumanggap nito., subalit, nakasaad din sa panuntunan na ang mga “Blu Cardholder”s na namatay mula May 16 - June 30, 2015 ay maaari pa ring kunin ng kanilang benepisaryo ang 2015 mid-year cash gift.
“Ito ay dahil umabot pa sila ng mid-year at buhay pa sila noong panahon na ginawa at prinoseso ang Cash Gift Payroll nila,” paliwanag ni Barcelo.