MANILA, Philippines - Matapos ang 32 taon ay hindi pa rin natutukoy ang mastermind sa pagpaslang kay Sen. Benigno “Ninoy” Aquino Jr. kahit naluklok pa sa puwesto sina Pangulong Cory Aquino at Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III.
Inamin ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda na hindi na pinag-uusapan pa sa Malacañang kung interesado pa ba ang pamilya Aquino na matukoy at mapanagot ang utak sa pagpaslang sa dating senador.
“I am not aware. We have not discussed this matter,” ayon kay Lacierda.
Kahapon ay ginunita ang ika-32 taong anibersaryo nang pagpatay kay Aquino at mabibilang na lang sa daliri ang mga opisyal ng pamahalaan na kasama ng naulilang pamilya na nagpunta sa kanyang puntod sa Manila Memorial Park sa Sucat, Parañaque City.
Kabilang sa mga nakiisa sa pamilya Aquino sa kabayanihan ng dating senador sina dating Manila Mayor Alfredo Lim, Defense Secretary Voltaire Gazmin, Budget Secretary Butch Abad at Interior Secretary at administration presidential bet Mar Roxas.
Alas-11:00 ng umaga nang dumating si Pangulong Aguino sa Manila Memorial Park kasama ang kanyang mga kapatid na sina Pinky Abellada, Balsy Cruz at Viel Dee habang wala naman si Kris Aquino.
Nag-alay ang mga ito ng panalangin at bulaklak sa puntod ng kanilang mga magulang.
Dumating din sa sementeryo ang Japanese reporter na si Kiyoshi Wakamiya na isa sa mga journalist na kasama ni Ninoy sa eroplano pabalik ng bansa nang ito ay barilin paglapag sa Manila International Airport noong Agosto 21,1983.
Nabatid na taun-taon ay dumarating sa Pilipinas si Wakamiya upang dumalo sa paggunita ng pagkamatay ni Ninoy.