MANILA, Philippines – Patuloy na nagbabanta ang bagyong Ineng sa Northern Luzon.
Alas-11 ng umaga kahapon, si Ineng ay namataan ng PAGASA sa layong 800 kilometro silangan ng Aparri, Cagayan taglay ang lakas ng hangin na umaabot sa 180 kilometro kada oras malapit sa gitna at may pagbugso ng hangin na umaabot sa 215 kilometro bawat oras.
Bunga nito, nakataas ang signal number 2 sa Batanes Group of Islands at Cagayan kasama ang Calayan at Babuyan Group of Islands. Samantalang signal number 1 sa Isabela, Kalinga, Apayao, Abra at Ilocos Norte.
Si Ineng ay patuloy ang pagkilos pa-kanluran sa bilis na 25 kilometro bawat oras.
Sinasabing mababa ang tsansa ni Ineng na mag-landfall pero lalapit ng Batanes area at magbabago ng direksiyon papunta ng Taiwan o sa labas ng PAR sa Lunes.
Gayunman, makakaranas pa rin ng pag-uulan sa Luzon kasama ang Metro Manila gayundin ang Visayas dahil sa epekto ng habagat.