Pagpapalawig sa campaign period, inatras ng Comelec
MANILA, Philippines – Hindi na babaguhin ng Commission on Elections (Comelec) ang panahon ng pangangampanya.
Ayon kay Comelec Commissioner Christian Robert Lim, walang kapangyarihan ang Comelec na baguhin ito kaya hindi na isusulong pa ang plano nito na palawigin ang campaign period para sa Eleksyon 2016.
Nauna nang binalak ng Comelec na gawing 120 araw ang campaign period mula January 10, 2016 para sa mga kandidato sa pagka-pangulo, bise presidente, senador, party list group, pagka-kongresista, pati na sa mga kumakandidato sa lokal na posisyon.
Layunin sana ng panukala na mahinto na ang premature campaigning ng mga kandidato.
Pero inalmahan ito ng ilang eksperto sa Election law dahil ang nasabing panukala ay kinakailangan pa umanong dumaan sa Kongreso.
Sa Section 3 ng Omnibus Election Code, ang mga kandidato sa pagkapresidente at bise presidente ay may 90 araw para mangampanya, habang 45 araw sa mga lokal na kandidato.
- Latest