MANILA, Philippines – Iginiit ni Vice President Jejomar Binay na mayroong paglabag sa Konstitusyon ang ginagawang pagdinig ng Senado sa mga kasong ibinibintang laban sa kanya. Ito ay sa kabila naman ng nilalaman ng ‘partial committee report’ sa pagdinig diumano sa overpriced Makati City Hall building at partaking na pawang walang patibay, mali-mali at walang katotohanan.
Malinaw anya na mayroong paglabag sa mga probisyon ng Konstitusyon dahil isinasaad dito na ang mga pagdinig ng Senado o Kamara ay dapat na pangtulong sa pagbalangkas ng batas lamang at dapat igalang ang karapatan ng mga taong humaharap sa naturang hearing.
Idiniin ni Binay na ang ginawang pagdinig ng Senado ay hindi na ‘in aid of legislation’ dahil wala namang mungkahing batas ang kalalabasan nito. Isa lang itong pagtukoy sa krimen diumano ng mga Binay na tanging ang korte lamang ang makakapagsagawa.
“Ang Kongreso ay hindi isang law enforcement agency o kaya ay trial agency, pagdidiin ng Korte Suprema,” ani Binay.
Sa ginawa namang mga panuntunan ng pagdinig, nakapagtataka anyang papalit-palit ang ginagamit na patakaran. Wala anyang naipalathalang rules of procedures na dapat sundin sa pagsasagawa ng mga hearing ng Kongreso.
Kung sakali mang nagkaroon ng publikasyon nito, bakit papalit palit na ginagamit ang patakaran ng blue ribbon at Senate rules samantalang dapat ay iisa lang sa dalawa ang ginagamit, ayon pa kay Binay.
Pinakamasaklap naman anya ang paglabag sa karapatan ng mga taong kinumbida sa mga pagdinig.
Pinuna ng Bise Presidente na inaayudahan pa ng witness protection program at immunity from prosecution ang mga taong kinumbida para idiin ang mga Binay, magparatang na mali, nakakasirang-puri at walang basihan at pawang kasinungalingan.
“Tulad na lamang ng pagbanggit ng diumano ay nasabi ng isang matagal ng yumaong tao na kahit ano ang gawin mo ay hindi na mapapasubalian o ma-cross examine dahil patay na. Ito mismo ang ginawa ng dating vice mayor ng Makati na si Ernesto Mercado na nagde-deliver daw si Engineer Morales ng koleksyon ng kickbacks sa opisina ni Binay. Ang binabanggit na engineer ay matagal na palang patay,” sabi pa sa pahayag ni Binay.
Ang mga ganitong akusasyon ayon sa abugado ng mga Binay ay hindi man lang papasa sa Korte. Sa simula pa lamang ay alam na ng lahat na ang pagdinig sa Senado ay hindi para sa isang panukalang batas kundi plataporma para banatan sa harap ng publiko ang mga Binay.