MANILA, Philippines - Pinayuhan ni Buhay Partylist Rep. Lito Atienza si Sen. Grace Poe na “pumila” muna at magsakripisyo bago siya sumabak sa pampanguluhang eleksyon sa susunod na taon.?
Ayon kay Atienza, bago mag-ambisyon si Poe na maging Presidente ng bansa, kailangang pumila muna ito sa dulo ng iba pang Presidential aspirants na mas hasa ng karanasan at kakayahan tulad nina DILG Secretary Mar Roxas, Vice President Jejomar Binay, Davao City Mayor Rodrigo Duterte, Senadora Miriam Defensor Santiago at dating Senador Panfilo Lacson.
Iginiit pa ni Atienza, na dapat maghintay muna si Poe dahil hindi maaaring may duda ang mga tao sa kanya, lalo na sa citizenship at residency nito.
Bukod dito, sinabi pa ng kongresista na dapat ding makita muna ang sakripisyo ni Poe para sa bayan dahil kung tutuusin, ilang taon pa lamang siya sa mundo ng politika at sa serbisyo-publiko.
Pabor din ang dating alkalde ng Maynila sa inihaing kaso sa Senate Electoral Tribunal laban kay Poe.
Ito ay dahil sa ganitong paraan ay masusuri umanong mabuti ang katotohanan sa citizenship at residency issue nito bago tuluyang makapag-isip ang Senador kung tatakbong Presidente sa darating na halalan.