MANILA, Philippines – Gagamit ng ‘positive campaign’ ang Liberal Party para palakasin ang kandidatura sa pagkapangulo ni DILG Sec. Mar Roxas para makuha niya ang suporta ng publiko sa halalan sa susunod na taon.
Ito ang ipinahayag kahapon ni Samar Congressman at LP Secretary General Mel Senen Sarmiento kasabay ng panawagan sa iba pang mga kakandidatong presidente na tumigil sa paggamit ng black propaganda, dirty tricks at political mudslinging.
“Nakakalungkot na may mga tao na nagsasagawa ng name-calling at foul personal attack para maibagsak ang itinuturing nilang kalaban sa pulitika. Bukod sa paghahangad ng reporma sa luma at tiwaling sistema ng pamamahala, sinisikap din ng LP na mabago ang umiiral na kulturang pampulitika. Si Mar Roxas at ang buong LP team ay kakampanya batay sa aming nagawa at ano ang pinaplano naming gawin, “ sabi ni Sarmiento.
Idiniin din ni Sarmiento na walang kinalaman ang LP sa disqualification case na isinampa laban kay Sen. Grace Poe na ipinapalagay na posibleng kumandidatong presidente sa 2016.
Isa anyang false flag tactic ang disqualification case na isinampa ng isang Rizalito David laban kay Poe para magkairingan ang kampo ng LP at ni Poe.
Sinabi pa ni Sarmiento na ang kampanya ni Roxas ay tututok sa mga bagay na nagawa nito bilang public servant at bilang mapagkakatiwalaang tao ni Pangulong Aquino sa pamamalakad sa pamahalaan.