Erap tumanggap ng parangal sa NCRPO
MANILA, Philippines - Tumanggap ng parangal si Manila Mayor Joseph Estrada mula sa National Capital Region Police Office (NCRPO) bunsod na rin sa mga suporta sa iba’t ibang programa ng Police Community Relations sa lungsod.
Mismong si NCRPO director Police Chief Supt. Joel D. Pagdilao ang nagbigay ng tropeo kay Manila City Administrator Ericson “Jojo” Alcovendaz, kinatawan ni Estrada sa ginanap na 20th Police Community Relations Month sa Camp Bagong Diwa.
Ayon kay Pagdilao, maayos na naipatutupad nina Estrada at Manila Police District Director Chief Supt. Rolando Nana ang mga PCR program kung saan mismong ang mga residente ang nakikinabang.
Malaking bagay umano ang pagbibigay ng prayoridad sa peace and order ng lungsod upang maging maunlad.
Lumilitaw na umaabot sa 8,841 ang naitalang krimen noong nakaraang taon habang 11,468 noong 2013. Nangangahulugan lamang ito na tumaas ang crime solution efficiency mula 24.55% sa 38.05%.
Naglabas din ng P89 million si Estrada bilang financial assistance sa mga pulis kung saan sinabayan pa ito ng mga tulong ng Filipino-Chinese groups at PAGCOR na nagbigay ng 27 new patrol cars at 110 personal transporters.
- Latest