MANILA, Philippines - Kinumpirma ni House Speaker Feliciano Belmonte na naka-confine ito sa ospital dahil sa nag-positibo ito sa sakit na dengue.
Ayon kay Belmonte, sinugod siya sa St. Lukes Medical Center sa Quezon City dahil sa mataas na lagnat at ubo noong Lunes ng gabi.
Subalit sa unang pagsusuri ay hindi agad nakumpirma na dengue ang sakit nito hanggang kahapon ng hapon lamang matapos lumabas ang latest lab test nito.
Matatandaan na hindi nakasipot si Belmonte noong Martes sa pagtitipon ng Liberal Party (LP) para kay DILG Sec. Mar Roxas at maging sa event ng Makati Business Club kahapon.
Sinabi naman ni Quezon City Vice Mayor Joy Belmonte na noon pang Lunes ng umaga masama ang pakiramdam ng kanyang ama subalit nagtuloy-tuloy ito sa trabaho kaya lumala ang lagnat nito noong Lunes ng gabi.
Nilinaw naman ng Bise Alkalde na hindi seryoso ang lagay ng kanyang ama at nananatili lamang ito sa ospital para mapangalagaan nang maayos ng mga doktor.
Kaya inaasahang makakabalik din ang Speaker sa trabaho sa lalong madaling panahon.