Meralco may bawas-singil uli
MANILA, Philippines - Bababa ng 26 sentimo ang singil sa kuryente ng Manila Electric Company (Meralco) ngayong Agosto o katumbas ng P52.56 na bawas sa electricity bill ng mga tahanang kumukonsumo ng 200 kilowatt hour (kWh) kada buwan.
Ayon kay Meralco spokesman Joe Zaldarriaga, ito na ang ikaapat na sunod na buwan na nagbaba ng singil ang Meralco na kung pagsama-samahin ay kabuuang P1.56.
Una nang bumaba ang singil ng Meralco ng P0.70 kada kWh noong Mayo, P0.20 kwH noong Hunyo at P0.28 kada kWh nitong Hulyo.
Aniya, kasunod ito nang pagbaba ng generation charge ng P0.19 sentimo ng mga Independent Power Producuers (IPP).
Bumaba rin ang ang transmission charge, taxes at iba pang bayarin.
Dahil sa pagbaba ng singil, ang mga tahanang kumukonsumo ng 200 kWh ay makakatipid ng P52.56, habang ang mga kumukonsumo ng 300 kWh ay makakatipid ng P78.83.
Ang mga nakakagamit naman ng 400 kWh ay may P105.11na tipid habang P131.39 ang mababawas sa bill ng mga kumokonsumo ng 500 kWh.
- Latest