SC ibinasura petisyon vs Duterte arrest

MANILA, Philippines — Ibinasura ng Korte Suprema (SC) ang pinagsamang habeas corpus petitions na kumukuwestiyon sa pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte dahil wala na umanong saysay o moot na ang usapin.
Sa pahayag ng SC nitong Martes, sinabi nitong nakakulong na si Duterte sa Netherlands kaya hindi na maaaring ipatupad ng mga korte sa Pilipinas ang writ of habeas corpus.
“The Philippine courts cannot enforce the writ since he is already in the custody of the International Criminal Court in The Hague, the Netherlands,” ayon sa Korte Suprema.
Sinabi rin ng SC na inilabas ang desisyon noong Nobyembre 11, 2026 sa ilalim ng pamumuno ni Chief Justice Raul Villanueva Zalameda.
Ang desisyong isinulat ni Associate Justice Japar Dimaampao ay nagbasura sa mga petisyong inihain ng mga anak ni Duterte na sina Paolo, Sebastian, at Veronica. Siyam na mahistrado ang bumoto pabor sa pagbasura ng mga petisyon habang apat ang kumontra. Hindi naman nakilahok si Associate Justice Samuel Gaerlan dahil sa opisyal na tungkulin.
Isang araw matapos arestuhin si Duterte noong Marso 2025, naghain ng magkakahiwalay na petisyon para sa habeas corpus ang kanyang mga anak upang kuwestiyunin ang legalidad ng kanyang pagkakadetine at hilingin ang kanyang paglaya.
Ayon sa Office of the Solicitor General (OSG), wala nang saysay ang mga petisyon dahil hindi maaaring ipatupad sa labas ng Pilipinas ang writ of habeas corpus na inilalabas ng mga lokal na korte. Iginiit din ng OSG na alinsunod sa pandaigdigang obligasyon ng bansa ang pag-aresto kay Duterte.
Ipinaliwanag ng Korte na ang habeas corpus ay isang remedyo na maaari lamang ipatupad sa loob ng Pilipinas. Dahil nasa kustodiya na ng ICC si Duterte mula nang maaresto noong Marso 2025, wala nang praktikal na layunin ang paglalabas ng writ.
Gayunman, nilinaw ng SC na ang pagbasura sa mga petisyon ay hindi nangangahulugang legal ang pag-aresto at paglilipat kay Duterte sa ICC o na walang nalabag sa kanyang mga karapatang konstitusyonal.
Ayon sa SC, ang anumang alegasyon ng paglabag sa kanyang mga karapatan ay dapat ihain sa tamang legal na proseso at hindi sa pamamagitan ng habeas corpus petition.
- Latest
















