MANILA, Philippines - Isinusulong ni Sen. Sonny Angara na ilibre mula sa 12-percent VAT ang persons with disabilities o PWDs.
Layon ng Senate Bill 2890 na palawakin ang RA 7277 o ang Magna Carta for Disabled Persons upang mas mapataas ang mga benepisyo at pribilehiyong nakalaan sa mga taong may kapansanan.
Sa datos ng Philippine Statistics Authority, noong 2010 ay naitalang 1.4 milyong Pilipino ang PWDs o 1.57 porsyento ng kabuuang populasyon ng Pilipinas.
Sakaling maisabatas, makahahanay na ng PWD law ang Expanded Senior Citizens Act na may layuning ilibre sa 20-percent VAT ang mga nakatatanda partikular sa kanilang mga pangunahing pangangailangan.
Ayon sa panukala, walang babayarang VAT ang PWDs sa anumang uri ng transportasyon; mga serbisyong medikal o dental, kabilang na rito ang diagnostic at laboratory fees, gayundin sa professional fees ng mga doktor sa alinmang pampubliko o pribadong pagamutan; sa mga gamot; bayarin sa hotel, restaurant, sa sinehan, concert halls at iba pang lugar na maaaring paglibangan ng mga ito.
Bukod sa VAT, layunin din ng SB 2890 na tiyaking ang isang PWD na wala nang kakayahang magtrabaho ay dependent ng isa ring taxpayer upang masakop ito ng Tax Code. Sa pamamagitan nito, maaaring makakuha ng karagdagang personal exemption ang taxpayer na sinasandigan nito.
Bagaman sinabi ng Dept. of Finance na maaaring umabot sa P1.1B ang mawawalang kita ng gobyerno sakaling maisabatas ito, sinabi ni Angara na posibleng hindi ito umabot sa gayong halaga dahil hindi lahat ng PWDs ay may mga kaukulang papeles para makakuha ng benepisyo.
Sa datos ng Philippine Registry for Persons with Disability ng Department of Health noong 2014, 28,344 PWDs lamang ang rehistrado sa kanila, o 2 porsyento lamang ng kabuuang bilang ng mga taong may kapansanan sa bansa na may ID.
Sa pag-aaral naman ng Philippine Institute for Development Studies, mababa ang partisipasyon ng PWDs sa mga ganitong programa sapagkat karamihan sa kanila ay hindi impormado sa mga gayong uri ng benepisyo mula sa gobyerno.