MANILA, Philippines – Pinadedeport na ni Justice Secretary Leila de Lima ang Chinese gambling lord na si Wang Bo.
Sa resolution, tinukoy ni de Lima na wala siyang nakitang sapat na batayan sa apela ni Wang para baligtarin ang kanyang June 8, 2015 resolution na nagsasabing sapat na ang mga dokumentong iprinisinta ng Chinese Embassy para pagbatayan ng deportation ni Wang.
Kinonsidera ng DOJ ang pagkansela ng Peoples Republic of China sa pasaporte ni Wang at ang findings ng NBI sa alegasyon na sangkot si Wang sa isyu ng suhulan sa Kongreso para paboran ang isinusulong na Bangsamoro Basic Law.
Sa initial report ng NBI, wala umano silang nakitang ebidensya na magpapatunay na nanuhol si Wang ng mga opisyal at empleyado ng Bureau of Immigration, pinondohan ang pagsusulong ng BBL sa Kamara, nagbigay siya ng kontribusyon sa Liberal Party o sa alinmang partido pulitikal at nagbigay ng pera para sa kampanya sa pagkasenador ni de Lima.