Trillanes pinahaharap ng CA
MANILA, Philippines – Bunsod na rin ng kanyang paratang na nagkaroon ng suhulan sa dalawang mahistrado ng appellate court para mapaboran ang hinihinging TRO ng kampo ni Makati Mayor Junjun Binay laban sa unang suspension order ng Tanggapan ng Ombudsman, pinahaharap ng Court of Appeals si Sen. Antonio Trillanes sa oral argument para personal na ipaliwanag ang kanyang paratang na dalawang mahistrado.
Sa tatlong pahinang resolusyon ng CA Special 5th Division na may petsang July 28, 2015 na pinonente ni Associate Justice Stephen Cruz, si Trillanes ay pinapaharap sa oral argument sa August 14, 2015, ganap na alas-2 ng hapon.
Nakasaad sa resolusyon na may mga usapin na kailangang mabigyan ng linaw kaya kinakailangang magdaos ng pagdinig.
Ito ay para mabigyan umano ng pagkakataon ang mga partido sa kaso na marinig ang kanilang panig at para makapagbato ng clarificatory question ang mga mahistrado.
Inatasan din ng CA si Trillanes na magpaliwanag kung bakit hindi siya dapat na patawan ng contempt dahil sa paglalahad ng umano’y walang batayang paratang.
Nauna nang pinaratangan ni Trillanes sina CA Justices Jose Reyes at Francisco Acosta ng CA 6th Division na tumanggap ng tig-P25 milyon para paburan ang TRO ni Binay.
Ang resolusyong ito ng CA ay may kinalaman sa petition for contempt na inihain ng kampo ni Binay laban kay Trillanes.
- Latest