CCTVs sa Kamara palpak

MANILA, Philippines – Nangangamba na rin ang mga kongresista sa kanilang kaligtasan kahit pa nasa loob sila ng Batasan complex sa Quezon City.

Ito’y matapos madiskubre sa huling araw ng imbestigasyon sa Wang Bo controversy na hindi gumagana ang mga Closed Circuit Television (CCTV) sa Kamara.

Dahil dito kaya nagkakaisa ang mga kongresistang dumalo sa nasabing imbestigasyon na kaila­ngang gastusan ng Kamara ang upgrading ng kanilang CCTV system.

Sa pahayag ni House Technical Security Unit Chief Samuel Pandagani na noong 2004, mahigit 40 camera ang naikabit sa Kamara subalit 33 na lamang dito ang gumagana.

Habang noong 2008, 32 ang nailagay na camera subalit 30 na lang ang nagagamit sa mga ito.

Muling nag-upgrade noong 2010 nang mag­kabit ng 269 camera su­balit nasira ang server ng CCTV system kasabay ng maraming camera.

At nitong huling State of the Nation Address (SONA) umano ni Pangulong Aquino ay 13 camera na lang ang kanilang napagana.

Naungkat ang CCTV system sa Batasan complex dahil hiningi ang footage noong mga araw na sinasabing nai-deliver dito ang truck truck ng salapi mula kay Wang Bo na panuhol umano sa mga kongresista kapalit ng pagpasa ng Bangsa­moro Basic Law (BBL) sa komite.

Show comments