MANILA, Philippines – Umapela ang isang opisyal ng Liberal Party kay Pangulong Noynoy Aquino na huwag magtalaga ng mga pulitiko bilang mga bagong kalihim ng DILG at DOJ kapalit nina Secretary Mar Roxas at Justice Secretary Leila de Lima.
Ito ay sa gitna ng mga ulat na posibleng italaga umano ng Pangulo si LP Secretary General at Western Samar Rep. Mel Senen Sarmiento o kaya ay si Davao City Mayor Rodrigo Duterte bilang DILG secretary habang si Ilo-Ilo Rep. Neil Tupas Jr. naman ang Justice Secretary.
Ayob kay LP Spokesperson at Eastern Samar Rep. Ben Evardone na highly qualified naman sa mga departamento sina Sarmiento at Tupas, na kapwa LP members.
Subalit sa personal umanong pananaw ni Evardone mas mabuti na magtalaga si Pangulong Aquino ng isang ‘career official’, lalong-lalo na sa DILG.
Ito ay upang hindi umano maakusahan ang administrasyon na gagamitin ang DILG para sa political interest ni Roxas, na kamakailan lamang ay pormal nang inendorso ni PNoy bilang manok nito sa 2016 Presidential Elections.
Kung sakali rin umano na si Mayor Duterte ang mapipiling DILG chief, hindi malayong akusahan ang administrasyon na ginagamit ang alkalde para makatulong at makakuha ng boto sa Mindanao para kay Roxas.
Paliwanag ni Evardone, mismong si Roxas ay ayaw na mangyari ito at wala umanong balak ang kanilang partido na manggamit ng ibang tao para sa kandidatura ng kanilang pambato sa pampanguluhang halalan.