Enrile at Reyes muling nagkita

MANILA, Philippines - Matapos ang halos isang taon, muling nagkita kahapon sa Sandiganbayan sina Sen. Juan Ponce-Enrile at dati nitong chief of staff na si Atty. Gigi Reyes.

Ito’y kaugnay ng pre-trial ng kanilang kasong plunder sa multi-bilyong pork barrel scam.

Bukod sa dating magkatrabaho, naroon din sa korte si Janet Lim-Napoles na siya umanong utak ng scam.

Gayunman, hindi natuloy ang pre-trial matapos humirit ang abogado ng prosekusyon na si Anacleto Diaz na mabigyan pa sila ng panahon para mangalap ng orihinal na dokumento na gagamiting ebidensya.

Gusto ng korte na matapos sa Agosto ang pagmamarka ng mga ebidensiya.

Humirit din ng extension ang kampo ni Enrile dahil hinihintay naman nito ang desisyon ng Korte Suprema sa inihain nilang petition for certiorari at petition for bail.

Dahil dito, napilitan ang korte na i-terminate ang pre-trial kahapon.

Show comments