MANILA, Philippines – Upang matiyak ang kaligtasan ng publiko at ng mga mahilig maligo sa swimming pool, nais ni Sen. Miriam Defensor-Santiago na gawing mandatory ang paglalagay ng mga kuwalipikadong lifeguards sa mga public swimming pools at bathing facilities.
Sa panukala ni Santiago, dapat lamang pangalagaan ng estado ang mga aquatic facilities sa bansa at ipatupad ang mataas na standards ng pulic safety.
Sa ilalim ng “Lifeguard Act”, ang mga operators at owners ng mga public swimming pools at bathing facilities ay mahaharap sa multang P20,000 at masususpinde ang operating permit ng 60 araw sa first offense.
P50,000 naman kung muling mahuhuli na hindi nagha-hire ng mga kuwalipikadong lifeguards at muling sususpendihin ang permit ng 120 araw o 4 na buwan sa 2nd offense. Sa ikatlong paglabag, kanselado na ang operating permit at P100,000 multa.
Kapag nagresulta sa serious injury o may namatay sa swimming pool dahil sa kawalan ng lifeguards, ang operator ay dapat magbayad ng P200,000 at pagkabilanggong hindi lalampas sa anim na buwan.