MANILA, Philippines – Handang paimbestigahan ng bagong hepe ng PNP-Special Action Force (SAF) ang 120 SAF commandos na inakusahang hindi sumaklolo sa napapalaban nilang mga kasamahan sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25.
Ayon kay SAF Commander Chief Supt. Moro Virgilio Lazo, bagaman hindi ito kapani-paniwala ay bukas siyang magkaroon ng pagsisiyasat para lumantad ang katotohanan.
Reaksyon ito ni Lazo sa sinabi nitong Biyernes ni Sen. Antonio Trillanes IV na nais niyang maimbestigahan ang nasa 120 SAF commandos na hindi nag-reinforce o tumulong sa napapasabak nilang mga kasamahan sa 84th SAF Seaborne Company at 55th SAF company.?
Sabi ni Trillanes, nalaman niya ito mula sa ilang mga opisyal ng AFP na tumestigo sa executive session ng Senado na nag-imbestiga sa Mamasapano clash.
Ang naturang impormasyon ay hindi umano napasama sa committee report ni Sen. Grace Poe.
Sabi ni Trillanes, higit 300 SAF troopers na nakaistambay lang, kumakain sa carinderia at nasa sagingan habang ang iba pa raw ay nagte-text lang ang tumangging rumesponde sa mga kasamahang napapa-engkwentro noon sa MILF at BIFF rebels.
Ilang metro lang umano ang layo ng 120 SAF sa kanilang mga kasama na nakikipagbakbakan.
Ayon kay Trillanes, dumating ang Army sa Barangay Tukanalipao sa Mamasapano bilang tugon sa hininging ayuda.
“Pumasok sila para mag-reinforce. Nakita nilang higit 100 SAF personnel, 500 meters from the road, mga nakadapa, nakahiga, nagre-relax,” sabi ni Trillanes sa panayam ng DZMM.
Dito sinabi umano ng militar na pasukin na nila ang lugar para tulungan ang 55th Company na noo’y napapasabak sa bakbakan.
Gayunman, tumanggi aniya ang mga SAF.
Nanawagan ang senador kay PNP officer-in-charge Leonardo Espina na imbestigahan ang mga hindi sumaklolong kabaro ng Fallen 44.