PNoy ’di sisipot sa Kamara
MANILA, Philippines - Ibinasura ng Malacañang ang kahilingang humarap si Pangulong Aquino sa pagdinig ng Kamara sa Mamasapano tragedy matapos ang Semana Santa.
Ayon kay Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, ito ang kanilang tugon sa hirit ng ilang kongresista na kailangan ang personal appearance ng Pangulo sa Congressional inquiry na isasagawa sa April 7 at April 8.
Sinabi ni Usec. Valte, iniiwasan ng Palasyo na pagpiyestahan at bastusin ang Pangulo ng ilang mambabatas na gustong isulong ang kanilang personal na mga motibo.
Ipinauubaya na lang ng Malacañang sa mga kongresista na gumawa ng hakbangin na makatutulong sa kanilang imbestigasyon na pangunahing misyon ay malaman ang katotohanan.
Kaugnay nito, sinabi ni Valte na pinahintulutan ng Pangulo si Exec. Sec. Jojo Ochoa, Jr. na ibigay sa Senado ang kopya ng palitan ng text messages ni PNoy at ni dating PNP Chief General Alan Purisima noong umaga ng January 25.
Una rito, gustong imbitahan sa Kamara si PNoy kaugnay sa Mamasapano massacre na ikinasawi ng 44 elite PNP-SAF.
Aprubado na umano ni House Speaker Feliciano Belmonte na ipagpatuloy ang imbestigasyon.
Kamakailan ay naglabas ng report ang PNP Board of Inquiry (BOI) samantala ang Senado naman ay naglabas na rin ng kanilang draft report tungkol sa nasabing usapin.
Sinasabing hindi nakasama sa dalawang report ang gagawin testimonya ni Aquino kaya gustong maimbitahan ng ilang mambabatas ang Pangulo para rito.
Target din ng kanilang imbestigasyon ang mga hindi natalakay sa BOI at Senate committee report.
Samantala, pinadadalo ni Davao City Karlo Alexei Nograles ang mga opisyal ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Mamasapano hearing.
Ayon kay Nograles, kung nagawa ng mga ito na dumalo sa pagdinig ng Senado, walang dahilan para isnabin nila ang Mababang Kapulungan.
Dapat din umanong dalhin ng MILF ang report nito sa sariling imbestigasyon nila sa Mamasapano encounter.
Ito na rin ang pagkakataon ng MILF na ipaliwanag ang kanilang findings kung hindi man ito tugma sa resulta ng Board of Inquiry (BOI) report.
Anya, ang pagtitiwala ang isyu sa resulta ng survey kung saan lumabas na mababa ang suporta sa Bangsamoro Basic Law (BBL) dahil wala pa umanong makahulugang ginagawa ang MILF para manumbalik ang tiwala sa BBL.
Itutuloy ang hearing ng Kamara sa BBL sa Abril 20 at inaasahang pagbobotohan ito ng komite sa pagbabalik-sesyon sa Mayo 11 at 12.
- Latest