MANILA, Philippines - Personal na iniabot ni House Speaker Feliciano Belmonte sa mga opisyal ng Philippine National Police (PNP) ang P5.3 milyong donasyon ng Kamara para sa Special Action Force (SAF) troopers na nasawi, nasugatan at nakaligtas sa engkwentro sa Mamasapano.
Sa nasabing halaga, P4.889 milyon ang mula sa mga kongresista na nag-ambag ng tig-P10,000 pataas.
Bahagi rin ng pinansyal na ayuda ang P100,000 mula sa Partylist Coalition Foundation, P225,000 mula sa mga kawani ng Secretariat ng Kamara, P20,100 mula sa contractual employees at P65,100 mula sa mga staff ng mga mambabatas.
Sabi ni Belmonte, naglaan sila ng tig-P100,000 para sa pamilya ng 44 nasawing SAF commandos, tig-P40,000 para sa 15 troopers na nasugatan at tig-P20,000 para sa 15 pang nakaligtas sa operasyon.