MANILA, Philippines - Hinamon kahapon ni dating AFP Chief of Staff at dating Pangulong Fidel Ramos si Pangulong Noynoy Aquino na aminin ang responsibilidad at humingi ng tawad sa bayan gayundin sa pamilya ng 44 SAF commandos.
“Why it is difficult for him to say I’m sorry,” pahayag ni Ramos na kinatigan ang resulta ng imbestigasyon ng Senado na bilang Commander-in-Chief ay si PNoy ang ‘ultimate responsible‘ sa Mamasapano clash.
“Saying I’m sorry humbly and sincerely would do 90 percent of the job but hurt has gone deeper,” ayon kay Ramos na sinabi pang ang hindi pagdalo ni PNoy sa arrival honor sa mga bangkay ng SAF commandos sa Villamor Air Base ay isa sa ipinaghihinanakit ng pamilya ng mga biktima at pagpuna ng sambayanan.
Binigyang diin ni Ramos na bilang Pangulo ay dapat na magpakumbaba at matutong tumanggap ng pagkakamali si PNoy sa halip na magpalusot pa sa mga pagkukulang nito at pagkakamali.
Sabi ni Ramos, itinuturing na ama ng SAF, na si PNoy ang dapat umako ng buong responsibilidad at humingi ng tawad sa pagkakamali sa pagkasawi ng 44 SAF commandos.
Kinontra rin ni Ramos ang pahayag ng Malacañang at ni Justice Secretary Leila de Lima na wala umanong umiiral na chain of command sa PNP.
Sa ilalim ng Executive Order 226 o ang panuntunan sa ‘command responsibility’ na kaniyang pinagtibay sa panahon ng kaniyang administrasyon noong 1995 ay ang Pangulo ang pinuno sa Chain of Command ng anumang ahensya ng gobyerno.
Samantala nagtagni naman ang resulta ng imbestigasyon ng Senado at PNP Board of Inquiry sa pagsasabing may nalabag sa Chain of Command.
Binigyang diin pa ni Ramos na nanatili ang bisa ng kaniyang Executive Order sa isyu ng Chain of Command dahil hindi pa ito naamyendahan at napapalitan simula ng pagtibayin.
Aminado naman si Ramos na kung hihingi man ng tawad ang tila nagbibingi-bingihan at nagsasapusong batong si PNoy ay maaring huli na ang lahat dahil masyadong matindi na ang iniwang sakit ng mga pangyayari sa pagkamatay ng SAF 44 dahil sa maling istratehiya.