Suporta sa BBL malabo pa rin
MANILA, Philippines – Kahit na inilabas na ang resulta ng imbestigasyon ng PNP-Board of Inquiry (BOI) kaugnay sa Mamasapano incident, hindi pa rin ito sapat para bumalik ang suporta ng mga kongresista sa Bangsamoro Basic Law (BBL).
Ayon kay Abakada partylist Rep. Jonathan dela Cruz, mahihirapan ng pumasa pa ang BBL dahil sa pagkasawi ng SAF 44.
Bagamat nangako umano ang liderato ng Kamara na aayusin ang nasabing panukala ay malabo pa rin ito dahil marami pa rin katanungan na naiiwan sa isipan ng publiko kahit na may resulta na ang BOI report.
Kaya mungkahi ni dela Cruz sa halip na bumalangkas ng bagong batas, dapat ay tingnan na lang ang umiiral na Organic Act at kung ano ang pagkukulang dito at saka na lamang amyendahan.
Hindi rin ito naniniwala sa sinasabi ni OPAPP Secretary Ging Deles na bigo ang eksperimento sa Autonomous Region in Muslim Mindanao dahil mismong si ARMM Governor Mujiv Hataman ang umano’y nagbibida sa kababayan nito na ang daming nangyaring mabuti sa kanilang lugar.
Kaya dapat din umano itong tanggapin ng Moro International Liberation Front (MILF) dahil kung sa tingin nila ay parte sila ng Pilipinas at nais na magkaroon ng kapayapaan sa Muslim Mindanao ay dapat nila itong tanggapin.
- Latest