BAGUIO CITY, Philippines – Wala pang napipisil si Pangulong Aquino na pumalit sa kanya para magtuloy ng kanyang tuwid na daan sa darating na 2016 elections.
Pinangunahan ng Pangulo ang commencement exercises ng Philippine Military Academy (PMA) sa Baguio City, kahapon ng umaga.
Sa harap ng 172 kasapi ng Sinag Lahi Class of 2015 binanggit ng Pangulo na patuloy pa rin ang mga panawagang ulitin ang kanyang termino at ituloy ang “pagbabago” sa kanyang pamumuno subalit may kaakibat anya itong panganib.
Ayon kay PNoy, ayaw niyang gayahin ang diktaduryang namuno sa bansa mula 1965 hanggang 1986.
“Bagamang nakita natin, posibleng may benepisyo kung ipagpapatuloy natin, may kaakibat itong panganib dahil baka dumating ang panahon na kapag bumaba na ako sa pwesto, isipin ng papalit sa akin na pwedeng panghabambuhay na siya sa katungkulan. Ayaw naman natin maulit ang nangyari sa ating kasaysayan na may namuno mula 1965 hanggang pinatalsik siya noong 1986,” sambit ni Aquino.
Ilang lider ng Liberal Party (LP) ang naniniwala na si DILG Sec. Mar Roxas ang magiging pambato ng administrasyon sa 2016 elections pero sabi ni PNoy wala pa siyang nahahanap na papalit sa kanya.
Ang Sinag Lahi Class ay binubuo ng 155 lalaki at 16 babae, 91 ang napiling mapasama sa Philippine Army, 35 ang nais na makapasok sa Philippine Air Force at 45 ang nais na magserbisyo sa Philippine Navy.
Hamon ng Pangulo sa mga nagtapos na kadete, pangatawanan ang kanilang hangarin sa paglilingkod at higitan ang narating mga nauna sa kanila.
Sabay himok sa mga batang alagad ng bayan na ituloy ang pagtahak sa tuwid na daan.