MANILA, Philippines - Ang Sixth Division ng Court of Appeals ang hahawak sa petisyong isinampa ni Makati Mayor Junjun Binay upang pigilan na ipatupad ang anim na buwang suspensiyon na inilabas ng Ombudsman.
Magsisilbing ponente ng desisyon si CA Associate Justice Jose Reyes kung saan makakasama nito sina Associate Justices Francisco Acosta at Eduardo Peralta.
Matapos ang pag-raffle sa petition, inaasahan namang mailalaban na ang desisyon kung maglalabas ng Temporary Restraining Order sa suspensiyon ni Binay at iba pa.
Si Binay kasama ang 15 pa ay kinasuhan ng corruption kaugnay ng umano’y overpriced Makati City Hall Building II.
Ayon kay Binay ilegal ang suspension order kaya’t hindi umano niya tinatanggap ito. Aniya, hindi pa siya ang alkalde nang gawin ang unang dalawang bahagi ng controversial project na sinimulan noong 2007. Naging alkalde siya noong 2010 at muling nahalal noong 2013.
Paliwanag ni Binay bagama’t nakapirma siya sa mga dokumento sa ikatlo, ikaapat at ikalimang bahagi ng proyekto hindi umano nangangahulugan na nakipagsabwatan siya rito.
Ang kasong plunder at graft ay inihain noong Hulyo 2014 ni Atty. Renato Bondal, kung saan sinabi nito na ang construction ng Building II ay overpriced ng P862 million.