MANILA, Philippines – Sinuspinde ng anim na buwan ng Office of the Ombudsman si Makati Mayor Junjun Binay at iba pang opisyal ng lungsod kaugnay ng Makati City Hall Building II.
Ang suspension ay habang isinasagawa ang pagbusisi kaugnay ng reklamo laban dito.
Una nang inirekomenda ng Special Panel of Investigators ng Ombudsman na isalang sa preliminary investigation sina Vice Pres. Jejomar Binay, Mayor Junjun at 22 iba pa sa posibleng kaso ng graft at malversation kaugnay ng umano’y iregularidad sa konstruksyon.
Pinaiimbestigahan din ng panel ang posibleng paglabag ng mga ito sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, Government Procurement Reform Act, gayundin sa kasong falsification.
Kwestyunable para sa panel ang hindi pagdaan sa public bidding ng P12 milyong kontrata.
Hindi naman sakop ng suspensiyon si Vice President Jejomar Binay dahil nangyari ang sinasabing anomalya noong alkalde pa ito.
Ipinatayo ang P2.2 bilyong Makati City parking building noong 2007.
Binigyan ang mga akusado ng 10 araw para makapaghain ng counter-affidavit.
Bukod sa alkalde, ilan pang opisyal ang pansamantalang sinuspinde ng anti-graft court kabilang sina: - City Budget Officer Lorenza Amores, City Accountant Cecilio Lim III, acting City Accountant Eleno Mendoza, City Treasurer Nelia Barlis, CPMO Engineers Arnel Cadangan, Emerito Magat at Connie Consulta, CPMO Chief Line Dela Peña, Bids and Awards Committee (BAC) Secretariat Heads Giovanni Condes at Manolito Uyaco, Technical Working Group (TWG) Chairman Rodel Nayve, BAC member Ulysses Orienza, General Services Department (GSD) OIC Gerardo San Gabriel at GSD staff member Norman Flores.