MANILA, Philippines – Tiniyak ng Philippine National Police na hindi maiimpluwensyahan ni Pangulong Aquino ang resulta ng imbestigasyon ng PNP-Board of Inquiry (BOI) sa madugong bakbakan sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25 na ikinasawi ng 44 Special Action Force (SAF) commandos.
Sinabi ito ni PNP spokesman Chief Supt. Generoso Cerbo Jr. matapos ibunton ng Pangulo ang sisi sa pagkamatay ng 44 SAF sa sinibak na si SAF Chief P/Director Getulio Napeñas Jr.
Sa unity prayer nitong Lunes sa Malacañang, sinabi ni PNoy na kasalanan lahat ni Napeñas na umano’y nabola siya sa Mamasapano operation na isa umanong ‘mission impossible’.
Kasabay nito, dumepensa naman si Cerbo sa naging sentimyento ni PNoy kay Napeñas sa pagsasabing inilabas lang nito ang nais niyang sabihin.
“The Commander is indeed on top of the situation and has the responsibility on a particular mission starting from planning, that is why whether kung magtagumpay o mabigo man ang isang pag-atake sa mga kalaban, walang ibang dapat purihin o sisihin kundi ang Commander,” paliwanag pa ni Cerbo.
Si Napeñas ang ground commander sa Oplan Exodus, isang secret mission upang hulihin sina Jemaah Islamiyah (JI) terrorist Zulkipli bin Hir alyas Marwan at Abdul Basit Usman noong Enero 25 sa Mamasapano, Maguindanao.
Si Marwan ay napatay sa operasyon pero naging kapalit nito ang buhay ng 44 SAF habang 15 pa sa mga ito ang nasugatan sa bakbakan sa Brgy. Pidsandawan at Brgy. Tukanalipao na mayorya ay minasaker pa ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) nang makorner sa may maisan sa naturang lugar.
Wika ni Cerbo, pinanghahawakan rin ng PNP ang integridad mismo ng tumatayong pinuno ng BOI na si P/Director Benjamin Magalong na nangakong hindi niya sasayangin ang kaniyang ginugol na serbisyo sa loob ng 37 taon.
Nanindigan naman si Cerbo na hindi nila naiwan sa ere si Napeñas matapos na ito ang mag-isang idiniin at sinisi ni PNoy sa Mamasapano operation.
Ayon kay Cerbo hindi nila pagbabawalan si Napeñas kung gusto nitong magsalita at wala silang alam na inisyuhan ito ng gag order.
Dagdag pa ng opisyal na ang hanap dito ay ang katotohanan at mas makabubuting hintayin na lamang ang resulta ng imbestigasyon ng PNP-BOI sa halip na husgahan kaagad ang kaso.
Samantala, sinabi ni Communications Sec. Sonny Coloma na wala ring cover-up at walang white wash o yellow wash matapos humingi ng 3 araw na palugit ang BOI bago nito isumite ang kanilang report kay Pangulong Aquino.
Sabi ni Coloma, hindi nagpapasa ng responsibilidad ang Pangulo sa Mamasapano incident bagkus ay inilatag lamang nito ang tunay na nangyari mula sa paglalatag ng Oplan Exodus sa kanya ni Napeñas na sinamahan ni resigned PNP chief Alan Purisima sa Bahay Pangarap.