MANILA, Philippines - Nasa maayos nang kalagayan ngayon si Cavite Vice-Governor Jolo Revilla makaraang ihayag ng ina niyang si Rep. Lani Mercado-Revilla na tumigil na ang pagdurugo sa loob ng katawan ng anak.
Sinabi ni Mercado na natanggal na rin ang tubo na ikinabit sa dibdib nito para makatulong sa paghinga at naisara na rin ang sugat na sanhi ng bala.
Ngunit iginiit nito na hindi pa rin sila nagpapaka-kampante dahil sa 24 oras pa rin ang obserbasyon sa kalagayan ng bise-gobernador upang mabatid kung walang kumplikasyon sa pagtanggal sa tubo sa dibdib nito.
Meron na lamang umanong maliit na bahagi na may “area of pneumothorax” sa kaliwang baga habang clear naman ang kanang bahagi ng baga ng pasyente.
Matatandaan na Pebrero 28 nang aksidente umanong maiputok ni Revilla ang nililinis na kalibre .40 Glock pistol sa kanilang bahay sa Ayala Alabang. Agad na isinugod si Revilla sa Asian Hospital kung saan naging kritikal ang kalagayan nito.