Sympathy Walk para sa Fallen 44 umarangkada
MANILA, Philippines - Kahit binawian ng permit ay natuloy sa pag-arangkada kahapon ang Sympathy Walk na nananawagan ng hustisya para sa 44 nasawing SAF troopers.
Alas-12 ng madaling araw nang magsimula ang Sympathy Walk ng 11 katao sa pangunguna ni “running priest” Fr. Robert Reyes, limang taga-BJMP at mga sibilyan bitbit ang mga larawan ng nasawing SAF men mula Dasmariñas, Cavite papuntang Camp Crame sa Quezon City.
Nauna nang kinansela ng lokal na pamahalaan ng QC ang hiniling na permiso ng grupo para magtipon sa Quezon Memorial Circle, dahil sa pangambang samahan ang kanilang programa ng mga makakaliwang grupo at mag-usbong ito sa malaking rally.
Sa Camp Crame ay sinalubong sila ng grupong Gabriela at mga miyembro ng Philippine National Police Academy (PNPA) Alumni Association. Ilang kaanak din ng napaslang na pulis ang nakisali sa martsa.
Pasado alas-9:00 na ng umaga nang mag-umpisa ang misa sa Immaculate Heart of Mary Parish na pinangunahan mismo ni Fr. Reyes.
Sa homily ni Fr. Reyes, sinabi nito na hindi masamang magpakita ng galit hangga’t hindi ito sanhi para magkasala ang isang tao.
Kinuwestyon ng pari kung bakit pinigil ng awtoridad ang nais ng ilang magpakita ng hinaing ngayong 44 araw na mula ng engkwentro sa Mamasapano wala pa anyang hustisyang nakakamtam.
Dapat anya nasa 1,000 ang sasama sa lakad-takbo mula Dasmariñas pero higit 10 lang ang nakiisa.
Dumalo rin sa misa ang nabiyudang si Erika Pabalinas, asawa ni Sr. Insp. Ryan Pabalinas ng SAF. Umawit din ang tatlong taong gulang na anak nito. Pinagdasal at binasbasan sa misa ang mga naulila ng 44 SAF troopers habang nagpalipad ng lobo sa pagtatapos ng pagtitipon.
Matapos ang misa ay mapayapang naghiwa-hiwalay ang mga nakiisa sa martsa.
- Latest